this on Facebook!

Drawing

Posted by: Klet Makulet,

Bata pa lang ako ay mahilig na akong gumuhit. Kahit na ang nabubuo kong itsura ay distorted, para sa akin ito ay napakaganda na. Lahat naman di ba ganun talaga? Sino pa ba naman ang unang dapat na humanga sa sariling gawa kung hindi sarili.

Sa pagkakaalala ko nagsimula akong gumuhit ng hindi abstract nung umuso ang kantang "A Whole New World" dahil sina Alladin at Princess Jasmine ang naging subject ko. Natatandaan ko pa na sa yellowpad pa ng nanay ko ako nagtatyaga na magdrawing gamit ang pulang colored pencil na napulot ko lang sa kung saan.

Uso pa noon ang comics na nakasampay sa tindahan at nirerentahan ng bente-singko pesos para sa isang araw para mabasa. Doon ako natutong gumuhit ng magandang mata (inuulit ko, para sa akin ang gawa ko ay napakaganda na kaya ang sinasabi ko ay ayon sa akin lang.) Sa simula ay madaya pa ako. Ipinapailalim ko sa papel ang comics at kokopyahin ko ang drawing doon. Presto! May magandang drawing na ako. Pero syempre pagtagal-tagal ay natutunan ko na din ang magdrawing ng di nandadaya.


Ang sabi nga di ba, "practice makes perfect" at tama si AiAi delas Alas sa "Tanging Ina N'yong Lahat" na nobody is perfect so why practice? Hindi ko talaga ma-perfect ang pagdo-drawing pero sigurado naman ako na gumaganda naman ang ginagawa ko habang tumatagal.

Mula kina Jasmine, Alladin at genie in the lamp ay naging abala ako sa pagguhit ng mga mukha ng tao at ang pinakagusto kong ginuguhit ay ang mukha ng crush ko (kahit alam kong di talaga nya kamukha, pinapaniwala ko ang sarili ko na siya yun at kamukha nya yun HA-HA-HA!) Pipikit lang ako, iimaginin ko na ang mukha nya--Clean cut hair, China eyes, pointed nose, at kissable lips (Ahay! landi! haha!)

Di lang naman si crush ang subject ko palagi. Nandyan si Vince Hizon na naging paborito ko noon dahil nga sikat na sikat ang Ginebra (teka gaano na ba ako katanda at mukhang di na yata naglalaro ang sinasabi kong player na ito?) Anyway, kahit nga si Vince ay di nakaligtas sa paglapastangan sa mukha nya sa drawing ko.

Dumating pa nga ang panahon noon na pakiramdam ko ginagago lang ako ng mga kaklase ko o inuuto dahil pinagkakaguluhan nila ako noon at pinipilit na sila ay i-drawing ko. Pinupuri-puri pa nila ang gawa ko at sinasabing maganda at magaling daw ako. Ako naman ay si tanga at naniniwala.

Minsan kasi ay naisipan kong iguhit ang mukha ng kaibigan ko gamit ang Staedler pencil at nakita ito ng mga kaklase ko. Isa-isa na silang nakipag-kontrata sa akin para sila din ay makalibre ng mala-charcoal pencil na drawing ko kuno.

Sabagay, saan ka nga ba naman makakahanap ng libreng ma-istetch ang mga pagmumuha nila kung hindi sa akin. Kahit na nga ba di ganoon ka-perfect ang pagkakagawa ay pwede na rin.

Naalala ko pa nga noon na maging teacher ko ay nagpagawa ng drawing ng picture nya. Naging malaking hamon sa pagiging artist ko kuno ang pagguhit sa mukha niya. Di sa panlalait, nahirapan talaga ako. Paano ba naman, medyo exotic kasi ang kanyang face. Maaaring itanong nyo sa akin kung bakit ko ba naman kasi tinangka ko pang iguhit siya kung alam kong di ko naman kaya. Paano ba naman, siya ang nag-request at takot ako na baka pag hindi ko siya pinagbigyan ay baratin ako sa grade at bumagsak ako at di pa maka-graduate.

At ayun na nga, pinagbigyan ko. Binigyan niya ako ng pinakamaganda na sa kanyang larawan at sinimulan ko na ang aking malaking parusa sa buhay. Di lang yata linggo ang inabot ko kung hindi halos buwan samantalang yun iba ay oras lang ang tinagal. Halos sumuko ako pero sa awa ni Lord natapos ko. Sabi ko sa sarili ko noon kasi na kailangang maging maganda si ma'am kung hindi baka ibagsak niya ako. Kaso yun nga mukhang talagang di kayang baguhin ang katotohanan.

Tumyempo pa ako sa pag-abot ng drawing sa kanya, yung time na cool sya at malabong magalit. Nang makita nya, nagulat sya. Ang sabi, bakit daw ang pangit. Gusto ko sanang sabihin, "nagtaka pa kayo e mukha nyo yan," pero syempre di pwede di ba? Dagdag pa niya, bakit daw ang layo ng itsura. Sabi ko, "ma'am best ko na po yan," kahit gusto kong sabihin na talagang mahirap iguhit ang mukha niya. Siguro ay umaasa siya na kahit sa drawing ay gumanda siya. ANG SAMA KO TALAGA! I'm sorry ma'am talagang wala nang pag-asa yan. Pinaulit nya hanggang sa nagkalimutan na kami sa bagay na yun. Buti naka-graduate na ako.

Itutuloy...





 
photo

Ako si Klet. Isang palaboy. Mabait at medyo (lang) makulet. May ilang tumatawag sa akin ng Mako o Makoy. Dati akong adik pero ngayon, adik pa din. Marami akong gustong gawin--gusto kong matulog, kumain, manood ng TV/sine, tumambay, mag-shopping, gumastos, lumaboy, dumaldal, tumawa, mangulit, magsungit, magchat, magblog, magforum, mangulekta (coins, stamps, tissue, chocolate wrapper, atbpang basurang pwedeng ipunin), at kung anu-ano pa. Ako si Klet.

Template and Icons by DryIcons.com