Biglaan ito kahit na kagabi ay tinanong na ako ng kapatid ko kung gusto kong sumama sa kanya sa Paete. Di ko inaasahan na ngayon pala yun at medyo may kaagahan ang pag-alis namin.
Ito ay isa sa mga medyo malayo-layo ko na road trip na di kasama ang buong pamilya.
Mga alas-otso ng umaga ay naghanda na kami papunta ng terminal. Akala ko nung una ay dadalhin namin yung kotse (ang sarap sana nung kaya lang...) hindi pala. Iniwan namin sa terminal at sumakay kami ng jeep papuntang Sta. Cruz, Laguna. Mabagal yung jeep noong una. Nakakaantok. Pero paglampas ng bayan ng Tayabas, Quezon ay umarangkada na ang jeep na parang may byahe kami papuntang impyerno. Para kaming naka-rollercoaster sa bilis at umaangat pa ang pwet namin sa mabilis na pag-ahon. Napakapit na ako.
Mamasa-masa ang trip na yun. Patagal ng patagal ay palamig ng palamig. Umaakyat kami kasi papuntang Lucban, Quezon. Nanggilid kami sa Bundok Banahaw.
Ikalawang pagdaan ko na itong araw na ito sa zigzag na yun. Una ay mga lampas anim na taon na ang lumipas noong papunta kami ng buong mag-anak sa Baguio. Noon ay bago pa lang ang daan pati na yung mga bakod ay bagong pinta pa lang. Ngayon ay may yupi na dahil siguro sa mga ilang napapabangga o tumatama doon. Kinalawang na din sa katagalan.
Para kaming pumunta ulit sa Baguio dahil dumaan nga kami ng zigzag at nakakakita ulit ako ng fog. Ang lamig!
Bihasa si manong driver sa daan hindi katulad noong driver ng sasakyan namin dati na umusok yung harapan ng sasakyan dahil di yata sanay sa pagtimpla ng preno ay silinyador para lumiko-liko. Di naman nakakahilo.
Dumaan kami (ang mga naaalala ko lang ha) sa Luisiana, Cavinti (kung saan ay sikat ang paggawa ng sumbrerong gawa sa buli o bunliw), sa Lumban kung saan naman ay mukhang sikat ang embroidery (ang dami kasing tabi-tabing embroidery shop doon), at sa Paete kung saan kami patungo.
Mula Lucena hanggang Sta. Cruz ay 60 pesos per tao ang pamasahe sa jeep tapos siningil kami ng 12 pesos per tao din papunta naman ng Paete. Sumakay kami ng tricycle papunta sa isang school malapit sa Valdellon street at siningil kami ng 18 (para sa dalawa na). Nakakatawa pa nga kasi ang layo ng upuan mula sa pinto ng tricycle kaya muntik nang mapaupo sa sahig si kuya. Sikip kami kasi pareho kaming malaki pero mas malaki siya syempre dalawa ang capacity nya eh.
Napasugod nga pala kami sa Paete dahil magpapagawa kami ng birthday souvenir ng ninong ng kapatid ko. Yung unang nakausap ng kapatid ko (contact nya sa Sulit.ph) ay di pala nagawa yung usapan nila. Kasi daw iilang piraso lang kaya inuna yung madami nilang order (medyo mali yun pero hinayaan na lang namin kasi mahirap nga naman mag-carve o lilok ng paunti-unti at maliit ang kita). Dahil wala kaming nakuha kahit sample man lang, nagpunta kami sa iba pang tindahan.
Bago kami nag-ikot-ikot, kumain muna kami. Dahil sinuggest ng pinuntahan namin ang Benga's Paete Eatery (na kilala yata doon na masarap ang luto) dun kami kumain. Pangmarahimang serving ang bawat order doon. Kaya nga pala Benga ay sa aking pag-oobserve ay mga Intsik ang nagmamay-ari noong kainan. Umorder kami ng Pork Sisig, Pancit Ulam (na sinuggest nung kumukuha ng order namin na specialty din nila), Sitsarong Balat ( na nagmumura ang mantika at taba ng baboy ... nakakapagpasakit ng batok ), 4 na order ng kanin at 1.5 Coke. 300 pesos ang bayad namin. Sobra pa yung ulam. Pipilitin ko sanang ubusin kaya lang talagang ang dami nung sisig at pansit. Pakiramdam ko ay mamahighblood ako sa pinaghalong busog, dami ng cholesterol ng chicharon at sisig, at anghang ng ulam. Buti na lang at naaalis ng Coke ang anghang ng sisig. Whew!
Pagkatapos noon, back to business kami. Yung katabing tindahan ng Benga's Eatery ang nakapagbigay sa amin ng magandang offer, ang Pascual's wood carving, para sa 100pcs na beer bottle (na gawa na lang sa resin para mura.) Kumpleto na yung detalye pati kulay. Wala na kaming iisipin pa. Nagbigay na din ng down payment si kuya.
After ng business ay picture-picture naman kami sa pali-paligid. Kahit umuulan ay binalewala namin. Si kuya na lang ang nagpayong kasi di kami kasya. Since mas madali siyang magkasakit kesa sa akin, siya na lang ang pinagpayong ko at naglagay na lang ako ng panyo sa ulo (ambon lang naman kasi.) Nakapagpicture kami ng mga tindahan ng mga wood carvings pati mismo yung mga naglililok. Tapos nagpunta kami sa simbahan na hindi ko alam kung bakit sarado. Siguro dahil holiday din sila. Sayang di kami nakapagdasal sa loob.
Bibili sana ako ng souvenir ko. May nagustuhan ako na bibilhin sana kaya lang kulang ang aking dalang pera. Wala kasi talaga akong balak gumastos. Isang baboy na nasa basket. Gawa sa kahoy at di sa resin. 250 pesos ang singil. Di ko na natawaran kasi di ko rin naman mabibili. Sa pagbalik na lang siguro ng kapatid ko saka ko siya papabilihin, sana lang mabawasan ang presyo kasi mas maliit siya dun sa isa pang baboy sa basket.
Umuwi kami na basa pareho ang sapatos pati ang medyas. Di naman namaho ang paa namin. Sumakit din ang tenga ko dahil siguro sa lamig at medyo mataas yung lugar na mga dinaanan namin. Pagod, masakit ang pwet sa haba ng byahe, pero masaya at busog.
Sa uulitin. Next time sa ibang lugar naman!
Ang nagastos namin ng kapatid ko lahat lahat ay 598 pesos. Di na masama para sa isang buong araw na lakwatsa.
FALLING STAR (2022 version)
1 year ago
August 6, 2009 at 2:46 PM
Ingat
August 6, 2009 at 7:57 PM
Post a Comment